Banta pa rin ang bagyong Quinta at patuloy na nananatili ang lakas habang nasa bansa. Ayon sa Pagasa, taglay ni Quinta ang pinakamalakas na hanging 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at patuloy ang pagkilos sa timog timog silangan sa bilis na 9km bawat oras. Sa Huwebes si Quinta ay inaasahang nasa layong 490 kilometro kanluran timog kanluran ng Puerto Prinsesa City.
Samantala, hindi pa umaalis si Quinta sa bansa ay isang low-pressure Area (LPA) na ang namataan ng Pagasa sa layong 510 kilometro silangan hilagang silangan ng Aparri, Cagayan.
Bunsod nito, ang Kalakhang Maynila ay makakaranas ng maulap na kalangitan na may pag-ulan at pagkulog-pagkidlat. Ang Luzon ay makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat na magiging malawakang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng gitna at katimugang Luzon na maaring magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa. Ang Kabisayaan ay magkakaroon ng madalas na maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat, saman talang ang Mindanao ay magiging bahagya hanggang sa kung minsan ay maulap ang kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat. Ang tinatayang agwat ng temperatura ay mula 23 hanggang 29 antas ng Celsius. Ang araw ay sisikat alas-5:56 ng umaga at lulubog bandang alas-5:25 ng hapon. (Angie dela Cruz)