Police blotter bubuksan sa Maynila

Isang resolusyon ang nakatakdang ipa­labas ng Manila City Council na magpapa­hintulot sa si­numan lalo na ang media na buk­latin at tingnan ang nila­laman ng mga police blotter.

Ipinaliwanag ni Manila Vice Mayor Isko Mo­reno na ang police blotter ay isang public document na dapat na laging bukas sa sinu­mang na­ngangaila­ngan nito kabilang na ang mga mamamaha­yag.

Sinabi ni Moreno na ang pagtatago ng police blotter ay indikasyon ng pagtatago ng isang kri­men at pang-aabuso sa karapatan ng ibang tao.

Aniya, dehado dito ang mga mahihirap na nais na makuha ang hus­tisya sa krimen na kina­sasangkutan ng kanilang mga pamilya.

“Kapag makapang­ya­rihan ang inirerek­lamo ng isang maliit na tao, napakadali na lang gawin na hindi ito ire­kord o di kaya ay balig­tarin ang tunay na pang­yayari,” ani Moreno.

Gayunman, humingi kahapon ng paumanhin si PNP Chief Jesus Ver­zosa sa pagpa­pa­labas niya ng memorandum hinggil sa police blotter.

Hiningi ni Verzosa ang pang-unawa ng mediamen matapos na makipagdiyalogo ang mga opisyal ng PNP kahapon sa Camp Cra­me kina National Press Club President Benny Antiporda; Maloli Espi­nosa, president ng Kapi­sanan ng mga Broad­casters sa Pilipi­nas, legal counsel ng KBP na si Atty. Rejie Jularbal at Volunteers Against Crime and Corruption na kina­tawan ni Dante Jimenez.

Sinabi ni Verzosa na irerebisa nila ang pinag­tatalunang memorandum at magsasagawa rin ng buwanang kon­sul­tasyon sa organi­sasyon ng media. (Doris Franche at Joy Cantos)

Show comments