Nagbabala kahapon ang mga militanteng tsuper at ilan pang transport groups na magsasagawa sila ng malawakang kilos-protesta kapag nabigo ang mga kompanya ng langis na muling ibalik sa P32 ang kada-litro ng diesel, gayundin kung patuloy na isasantabi ng pamahalaan ang pagbasura sa Oil Deregulation Law at 12% E-VAt sa langis.
Ayon kay George San Mateo, Secretary General ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), hindi sila magpapahinga sa pangangalampag at pagsasagawa ng kilos-protesta ngayong mga nalalabing buwan ng Nobyembre at Disyembre.
“Kung kinakailangang sumugod uli ang mas maraming bilang ng drivers sa mga punong himpilan ng Shell, Chevron at Petron sa Makati ay aming pag-uusapan at paghahandaan ito nang sa gayun ay mas madinig ng Big Three ang aming kahilingan,” ayon kay San Mateo.
Samantala, labis naman ang pagka-dismaya kahapon ng mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan makaraang hindi isinama ng mga kompanya ng langis sa kanilang ikinasang rollback ang pagtapyas sa presyo ng diesel.
Sinisi naman ni San Mateo ang mga dambuhalang oil companies at gobyerno sa hindi pagkakaroon ng rollback sa diesel ngayong weekend.
Ani San Mateo, ang muling pagpataw aniya ng pamahalaan ng 3% oil tariff noong Nobyembre 1 ang siyang ginamit na namang dahilan ng mga dambuhalang oil firms upang hindi magpatupad ng rollback sa diesel ngayong weekend. (Rose Tamayo-Tesoro)