Naging daan ang pagkamatay ng ina ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson upang magkaayos silang muli ni Senate President Manuel Villar na matinding binanatan ng una dahil sa isyu ng P200 milyong budget insertion sa C-5 Road Project.
Personal na ipinahatid ni Villar ang kanyang pakikiramay kay Lacson nang magtungo ito sa burol ng ina ng senador kamakalawa ng gabi,
Galing ng Bacolod City si Villar at mula NAIA ay agad itong dumiretso sa burol ni Maxima “Lola Imang” Lacson.
Namalagi si Villar ng halos 30 minuto at ito ang unang pagkakataon na nagkausap sila ni Ping simula nang pumutok ang isyu sa C-5 road. Nang idaos ang isang misa ay magkatabi pa rin ang dalawa.
Kapuna-puna naman na halos lahat ng senador ay nakapagpadala na ng bulaklak sa burol ng ina ni Lacson maliban kay Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Si Villar din umano ang unang senador na kasamahan ni Lacson ngayong 14th Congress ang dumalaw sa burol ni Lola Imang. (Malou Escudero)