Hindi gagamitin ng Malacañang ang executive privilege upang pigilan si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-Joc” Bolante na tumestigo sa Senado ukol saP728-million fertilizer fund scam.
“We will not invoke executive privilege to keep Bolante from testifying before the Senate,” wika ni Press Secretary Jesus Dureza bilang reaksiyon sa pa hayag ni Justice Secretary Raul Gonzalez na puwedeng gamitin ang executive privilege upang mapigil si Bolante na sagutin ang ilang sensitibong katanungan sa gagawing pagdinig ng Senado sa susunod na linggo.
Bilang pribadong mamamayan, sinabi ni Dureza na hindi sakop si Bolante ng executive privilege.
Opisyal lang ng gobyerno ang maaaring gumamit ng executive privilege kapag ang mga isyung pinag-uusapan sa congressional hearing ay may kinalaman sa national security.
“Like most of us, we also want the truth to come out so we can all put this issue to rest,” dagdag ni Dureza.
Samantala, muling iginiit ni Dureza na hindi manghihimasok ang Palasyo sa imbestigasyon ng Senado sa pagsasabing iginagalang nito ang kalayaan ng Upper Chamber bilang co-equal branch ng gobyerno.
At hindi rin takot ang Palasyo kahit tumestigo pa si Bolante sa Kongreso ukol sa impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo, sabi pa ni Dureza. (Rudy Andal)