Anumang oras ay isusumite na ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region ng Philippine National Police ang mga ebidensya laban kina dating PNP Comptrollership ret. Director Eliseo dela Paz at tatlong iba pa na kasama sa Euro scandal.
Sa kasalukuyan, ayon kay CIDG-NCR Chief Sr. Supt. Isagani Nerez, kinukumpleto pa nila ang mga dokumentong kanilang isusumite sa Ombudsman dahil nasa 70 pa lamang ang kanilang natatapos.
Una nang inatasan ng Ombudsman ang PNP na isumite sa lalong madaling panahon ang mga dokumento at ebidensya para sa pagsasampa ng kasong kriminal laban kay dela Paz at iba pa na na samsaman ng 105,000 Euros o P6.93 milyon sa Moscow airport sa Russia noong Oktubre 11.
Bukod kay dela Paz, nahaharap rin sa kasong kriminal at administratibo sina PNP Finance Service Director Chief Supt. Orlando Pestano, Sr. Supt. Samuel Rodriguez, Disbursing Officer ng PNP Intelligence Group at Sr. Supt. Tomas Rentoy, Division Chief ng PNP Comptrollership. (Joy Cantos)