PASG umiskor

Nakapuntos ang Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) laban sa Unioil Petroleum Phils. matapos iba­sura ng Manila Regional Trial Court ang hinihiling ng Unioil na temporary restraining order (TRO) dahil sa pag­papasara sa kanilang depot sa Mariveles, Bataan.

Inatasan ng korte ang Unioil at PASG na magsumite ng mga ebidensiya upang suportahan ang kanilang mga posisyon at itinakda ang pagdinig sa kaso sa November 5 sa Manila-RTC branch 34.

“Assuming for the sake of argument… extension of the TRO is hereby denied to give the court a chance to receive supporting evidence from both parties. Each party may file their counter memorandum on the points raised,” nakasaad sa desisyon ng korte.

Nagsumite naman ng mga dokumento ang PASG sa korte upang patunayan na front lamang ng Oilink ang Unioil.

Pinuri naman ni PASG chief Antonio Villar Jr. ang naging desisyon ng korte na nagbabasura sa hinihiling na TRO ng Unioil. Hiniling pa ng PASG sa korte na busi­siin ang Unioil at Oilink.

“We believe that Unioil is a mere extension of Oilink personality. Oilink is a business conduit of Unioil,” dagdag pa ni Villar. (Rudy Andal)

Show comments