Posibleng makasuhan ng sedition ng Department of Justice (DOJ) sina Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President Angel Lagdameo, Archbishop Oscar Cruz at ilan pang opisyal nito dahil sa umano’y paghihikayat nito sa pagbabago ng liderato ng gobyerno.
Ayon Justice Secretary Raul Gonzalez, sumobra sina Lagdameo, Cruz, Bataan Bishop Socrates Villegas, Masbate Bishop Joel Baylon, at Bishop Emeritus Jose Sora sa kanilang political statement.
Dahil dito kaya hinamon ng kalihim ang mga opisyal ng CBCP na tumakbo bilang Pangulo sa susunod na eleksyon.
“One of them should run for president, priest becomes governor why not Archbishops run for President,” pahayag ni Gonzalez patungkol naman kay Pampanga Gov. Ed Panlilio na ini wan ang pagkapari para tumakbo sa lokal na eleksyon.
NIlinaw ni Gonzalez na ang simbahan ay dapat faith at morals ang siyang pinag-uusapan at hindi nagbibigay ng political statement.
Isasangguni din umano nila sa Kapisanan ng mga Broadkaster sa Pilipinas (KBP) kung naging seditious ang pahayag ng simbahan.
Iginiit pa ni Gonzalez na hindi ito naniniwalang boses ng CBCP ang naging pahayag ng mga Obispo na humarap sa media bagkus ay personal lamang na opinyon ito nina Lagdameo.
Hindi rin umano wasto na isisi ng CBCP sa administrasyong Arroyo ang graft and corruption dahil panahon pa ni dating Pangulong Elpidio Quirino nagsimula ang korupsyon. (Gemma Amargo-Garcia)