Pinatawan ng parusang anim hangang 10 taong pag kabilanggo ng Sandiganbayan ang dalawang dating opisyal ng Mindanao State University dahil sa pamemeke ng public documents para lamang maaprubahan ang payroll ng may 200 “ghost employees” noong 1987 at 1988.
Sa 50 pahinang desisyon ng Sandiganbayan sa pamamagitan ni Associate Justice Alexander Gesmundo, nakakita sila ng sapat na batayan laban kina Bai Yasmin S. Macalandong at Mangcobay Bansuan, pawang mula sa MSU-Dinaig, Maguindanao campus para maidiin sa naturang kaso.
Si Macalandong ay chancellor ng MSU-Maguindanao habang si Bansuan ay acting personnel officer noon. Bukod sa 10 taong pagkabilanggo, ang mga ito ay pinagmumulta din ng graft court ng tig-P5,000 .
Sa rekord, nadiskubre ng Sandiganbayan na may 148 pangalan sa 1987 plantilla na naisumite ng MSU ang wala sa opisyal na talaan ng Civil Service Commission. Noong 1988 plantilla, 48 “ghost employees” ang nadiskubre ng naturang grupo.
Dahil sa kuwestyonableng dokumento, ang MSU ay nakapag disbursed ng sahod na P3,663,714 noong 1987 at P2,019,571 noong 1988. (Angie dela Cruz)