Dela Paz, 3 pang Euro general kakasuhan

Sasampahan ng ka­song kriminal sa Ombudsman ng Philippine National Police si dating PNP Comptrollership Chief retired Director Eli­seo dela Paz at tatlo pang opisyal na diuma­no’y nagsab­ watan sa pagpapalabas ng bulto ng salapi kaugnay ng ‘Euro scandal’ sa Russia noong Oktubre 11.

Sinabi ni PNP Chief Director General Jesus Ver­zosa sa mga ma­ma­mahayag kahapon sa Camp Crame na, base sa inisyal na re­sulta ng im­bestigasyon ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management, merong basi­han para sampahan ng ka­song kriminal at adminis­tra­tibo sina dela Paz at mga kasama nito na sina Chief Supt. Orlando Pes­tano, Director ng PNP Finance Service; Sr. Supt. Thomas Rentoy, Chief ng Budget Division sa PNP Comptrollership; at Supt. Samuel Rodri­guez, Disbursing Officer ng PNP Intelligence Group.

Sinabi ni Verzosa na lu­militaw sa inisyal na imbestigasyon na ang nasabing mga opisyal ay nagsabwatan sa iligal na pagpo­pondo, pagpapa­la­bas at disbursement ng P7 milyon mula sa PNP con­fidential /intelligence funds na ginamit sa opisyal na misyon ng PNP delegation sa kata­tapos na ika-77 International Police General Assembly sa St. Petersburg, Russia noong Ok­tubre 6-10.

Ang kontrobersya ay sumingaw matapos ma­huli ng Russian authorities sa bagahe ni dela Paz at ng misis nitong si Maria Fe ang 105,000 Euros o katumbas na P6.93 milyon sa Moscow airport sa nasabing bansa noong Oktubre 11 habang pauwi na ang PNP delegation.

Lumilitaw na P2.38M lamang ang inapruba­hang pondo ng NAPOLCOM alinsunod sa rekomen­dasyon ng PNP subali’t mas malaki pa ang sina­sabing cash advance na bitbit ni de la Paz.

Mistulang bombang sumabog na kumakalat ngayon sa You tube web­site ang ‘Euro scandal’ na kinasangkutan ni dela Paz.

Nabatid na iba’t-ibang anggulo ng nasa­bing ‘Euro scandal’ ang ma­pa­panood sa You tube na ngayon ay pinag­pipiyes­tahan hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang mga bansa. (Joy Cantos)

Show comments