PASG nagpasaklolo na sa COA, BIR: Libro ng oil firms pinabubuksan

Humingi ng tulong ka­hapon ang Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) sa Commission on Audit at Bureau of Internal Revenue para piliting ilabas ang libro ng Unioil at Oilink bunsod umano ng impormasyon na hindi nagbayad ng P2.7 bilyong buwis sa gobyerno noong nakaraang taon.

Sa isang liham na pina­dala ni PASG Dir. Usec. Antonio Villar kay BIR Commissioner Atty. Sixto Esquivias IV at COA Chairman Rey­nal­do Villar, nais nitong ipa-audit ang mga stocks na la­ngis sa oil depot ng nasa­bing kum­panya sa Marive­les, Ba­taan kung sapat itong ipambayad sa buwis na hindi umano nito binayaran ng ilang taon.

Nais din malaman ng PASG kung talagang si­nadya umano ng Unioil at Oilink na isahan ang gob­yerno sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng customs duties and taxes ng kanilang mga parating na langis para makasuhan ng economic sabotage kung mapapatunayang totoo ang natanggap nilang impor­masyon.

Ayon kay Usec Villar, hindi nila lulubayan sa ha­lip ay patuloy nilang tutu­tukan ang dalawang kum­panya hangga’t hindi na­kakapag­bayad ng utang sa gob­yerno.

Tiniyak din si Villar na ipag­haharap nila ng de­manda sa korte ang may-ari ng dalawang kumpanya da­hil sa hindi umano pag­baba­yad ng tamang buwis sa gob­yerno.

“Kung nagagawa nila noon na takasan ang kani­lang obligasyon, hindi ito uubra sa PASG dahil mali­naw ang utos ng Pa­ngulo na habulin namin ang mga smugglers kahit sino pa man yan,” ani Villar. (Rudy Andal)

Show comments