15 pulis-NAIA bagsak sa 'neuro test'

Tatlong opisyal at 12 kagawad ng Airport Police Department (APD) na nakabase sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang umano’y bumagsak sa “neurological test”sa AFP Medical Center at inireko­menda kay Manila International Airport Authority (MIAA)General Manager Al Cusi na disarmahan ang mga ito.

Base sa umiiral na alituntunin o patakaran ng AFP Medical Center na nasa V. Luna, Quezon City, kung ang pagbabatayan ay ang resulta ng eksa­minasyon ng 15 APD cops kabilang ang isang kapitan at dalawang tinyente, ay nararapat lamang na disarmahan sila dahil sa posibleng hindi makontrol na pag-iisip at delikado ang paghahawak ng baril.

Dapat ring umaksyon ang hepe ng APD at ilagay sa floating status ang mga airport police na bumagsak sa neuro test habang sila ay iniimbestigahan..

Nabatid sa rekomen­dasyon na hindi umano na­ra­rapat na bigyan ng ma­selang posisyon sa NAIA ang mga bumagsak sa neuro test na airport policemen dahil sa ‘psychologically unstable’ ang kani­lang pag-iisip na posibleng mag­ bigay ng kapaha­ma­kan sa pambansang paliparan.

Dahil dito, inihahanda na ang paghahain ng petis­yon ng mga kasamahan ng 15 airport policemen na sumemplang na pansa­man­­tala silang ilipat sa puwesto. (Ellen Fernando)

Show comments