Inaasahang darating na sa Lunes o Martes sa bansa si dating PNP Comptroller ret. Police Director Eliseo dela Paz at dala wang iba pa matapos na pigilan ang mga ito sa paliparan ng Moscow, Russia dahil sa dalang 105,000 Euros o katumbas na halagang P 6.930 milyon.
Sa mensaheng ipinarating kahapon nina dela Paz at Police Regional Office (PRO) 9 Chief P/Director Jaime Caringal sa tanggapan ni PNP Chief Director Jesus Verzosa sa Camp Crame, nakumbinsi umano nila ang Russian authorities na legal ang dala nilang pera sa pamamagitan ng mga ipinakitang dokumento dahilan para maisyuhan na sila ng panibagong visa.
“We are already cleared by Russian authorities and we’ll be coming home soon,“ pahayag ni dela Paz kay Verzosa.
Sina de la Paz at Caringal ay kabilang sa 8-man team delegation ng PNP na dumalo sa 77th International Police (Interpol) Conference sa St. Petersbura, Russia na ginanap noong Oktubre 6- 10.
Naharang ang delegasyon sa Moscow airport noong Oktubre 11 habang pabalik na sa PIlipinas matapos mahulihan ng P6.9M ang bagahe ni dela Paz. Pinayagang makauwi ang iba maliban kay dela Paz at misis nito, gayundin kay Caringal na sinamahan si dela Paz.
Una nang iginiit ni PNP Spokesman Nicanor Bartolome na legal ang nasabing salapi na bahagi ng contingency fund at tiniyak rin na dadaan sa masusing auditing ang nasabing pondo. (Joy Cantos)