Hindi pa man napapalaya ang lahat ng mga Pinoy seamen na hawak ng mga pirata sa Gulf of Aden, 21 pang tripulanteng Pinoy ang nabihag na naman ng mga ito kamakalawa matapos na i-hijack ang isang Japan-operated bulk carrier sa Somalia.
Dahil sa panibagong hijacking incident, umaabot na sa 66 ang kabuuang bilang ng Pinoy seamen na hostage ngayon ng mga pirata.
Ayon kay DFA Undersecretary Esteban Conejos, lulan ang mga Pinoy ng MV African Santerling nang masabat ng mga pirata.
Naglalayag umano ang barko mula sa Middle East patungo sa Asia nang masabat ng mga pirata.
Ang barko ay nabatid na Panamanian-flagged ngunit ito’y inu-operate sa Pilipinas.
Inatasan na rin umano ng DFA ang mga embahada ng Pilipinas sa Seoul, Tokyo at Nairobi upang makipag-ugnayan sa may-ari at operator ng barko, gayundin sa international maritime authorities para matiyak ang agad at ligtas na pagpapalaya sa mga binihag na Pinoy seamen.
Kamakailan lamang ay umaabot sa 37 Pinoy seamen na sakay ng tatlong magkakaibang barko ang pinalaya at inaasahang makakauwi na sa Pilipinas matapos na umano’y mabayaran ang ransom na hinihingi ng mga pirata.
Nananatili naman sa kustodiya ng mga pirata ang mga barkong MT Stolt Valor, isang Hong Kong chemical tanker na may lulang 2 Pinoy at 31 iba pang dayuhan, na binihag noong Setyembre 15; ang MV Centauri, isang Greek-owned tanker na may 26 all-Filipino crew members, na na-hijack noong Setyembre 17; at ang MV Capt Stephanos, isang Greek-owned ship, na may sakay na 17 Filipino seafarer at binihag noong Setyembre 21. (Mer Layson)