Sa kabila ng executive clemency na ipinagkaloob ni Pangulong Arroyo kay convicted murderer Claudio Teehankee, Jr., hindi pa rin umano lubos ang kaligayahan ng huli matapos ibunyag ni National Bureau of Corrections (NBP) chaplain Msgr. Bobby Olaguer na hindi ito tanggap ng pamilya Teehankee.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Olaguer na ang tunay na isyu dito ay ang hindi pagtanggap ng pamilya Teehankee sa kanya matapos ang 17 taong pagkakakulong.
Bagama’t laya na si Teehankee, wala naman umano itong mauuwian dahil ibinenta na nito ang kanyang bahay at wala man lamang sa mga kapatid nito ang nag-alok na tumira ito (Teehankee) sa kanila. Sa halip umano ay binigyan na lamang ng pera si Teehankee at pinayuhang bumili ng sariling bahay.
Nagtataka din si Olaguer kung bakit iginigiit ng pamilya Teehankee ang executive clemency samantalang hindi naman pala nila ito tatanggapin pagkalaya. (Doris Franche)