Isang araw matapos mag-resign bilang Chiel Presidential Legal Adviser si Sergio Apostol, kinumpirma naman kahapon ng Malacañang na nagbitiw na rin sa kanyang puwesto si Bureau of Internal Revenue (BIR) chief Lilian Hefti.
Tanging ang usapin sa kanyang kalusugan ang ginawang dahilan ni Hefti sa kanyang pagbibitiw sa puwesto.
Bago magbitiw si Hefti ilang sektor na ang naghihinala na posibleng umalis na sa kanyang puwesto ang una bunsod ng kabiguan ng BIR na maabot ang target collection nito sa pagbubuwis.
Ang pagbibitiw ni Hefti ay agad namang tinanggap ni Pangulong Gloria Arroyo.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Executive Secretary Eduardo Ermita na kung hindi sa hanay ng mga opisyal ng BIR ang papalit kay Hefti, ito ay dating nagta-trabaho sa BIR.
Hindi naman pinangalanan ni Ermita ang papalit kay Hefti hanggat hindi pa dumadating sa bansa si Finance Secretary Margarito Teves mula Estados Unidos.
Anya, si Teves ang siyang maghahayag kung sino ang kapalit ni Hefti sa puwesto. (Angie dela Cruz/Rudy Andal)