Isa pang gatas mula sa China ang nagpositibo sa “melamine” sa isinagawang pagsusuri ng Bureau of Food and Drugs (BFAD).
Inanunsiyo kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III ang resulta ng laboratory test ng BFAD at kinumpirma nito na kon taminado ng melamine ang Jolly Cow Slender High Calcium Low Fat Milk (1 Liter) na inangkat mula sa China at ipinapamahagi ng Flying Ace Corp.
Agad namang nag-isyu ang BFAD at DOH ng “total ban” at recall sa nabanggit na brand ng gatas.
Nauna ng nag-positibo sa melamine ang Mengniu Original Drink Milk at Green Food Yili Pure Milk na ang mga labels ay ginamitan ng Chinese characters at mula rin sa bansang China.
Negatibo naman sa melamine ang ikalawang batch ng mga gatas na kinabibilangan ng Anmum Materna Milk Powder Chocolate Flavor (400g); Bear Brand Choco (300g); Bear Brand Sterilized Milk (200ml); Cadbury Choclairs; Carnation Calcium Plus Non-fat Milk Powder; Klim Instant Full Cream Milk Powder; Milk Chocolate Bar (40g); Monmilk Breakfast Milk Walnut Milk Beverage; Monmilk Hi-calcium Low fat milk (1L); Monmilk Deluxe Pure Milk; Nestle Chocolate Flavor Ice cream; Nestle Dairy Farm Pure Milk; Nestle Fresh Milk (1L); Nestle Kitkat; Nestle Milk chocolate (40g); Nestle Pops Ice cream; Nestle Vanilla Flavor Ice cream; Nestogen 1 DHA; Nesvita Cereal Milk Drink; Blue Tree Express Milk Drink or Green Apple Flavor (500ml) at Prime Roast Instant Nutritious Cereal (28g).