Pinagpapaliwanag ng Department of Trade and Industry ang mga negosyante ng harina at semento kung bakit tumaas ang presyo ng kanilang mga kalakal.
Sinabi ni DTI Secretary Peter Favila sa isang panayam kahapon na inisyuhan nila ng subpoena ang naturang mga negosyante para magpaliwanag.
Binigyan ng hanggang October 10 na palugit ang mga negosyante na kinabibilangan ng mga flour at cement suppliers at producers para bigyang-katwiran ang pagtaas sa presyo ng kanilang mga produkto.
Pinuna ni Favila na ang biglaang pagtaas sa presyo ng harina ay nag-resulta sa pagtaas ng presyo ng tinapay.
Kahalintulad din nito ang nangyaring pagtaas sa presyo ng semento.
Sinabi pa ni Favila na kapag mapatunayang may pananamantala sa panig ng mga negosyante ay may kaakibat itong parusa. (Rose Tamayo-Tesoro)