Pinag-aaralan na rin ng Department Of Health kung isasama ang mga produkto ng “Mr. Brown” sa listahan ng Bureau of Food and Drug Administration hinggil sa ipinagbabawal na nakakalasong mga pagkain mula sa China.
Sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na aalamin muna nila kung ang mga gatas ng Mr. Brown ay nagmumula sa naturang bansa.
Ang hakbang ng DOH ay bunsod sa kahilingan ng United States Food and Drug Administration na ibilang sa pinagbabawal na mga produkto ang Mr Brown kabilang dito ang kape at milk tea.
Iniutos din kahapon ng Malacañang sa Bureau of Food and Drugs na ieksamen na rin ang mga sotanghon at iba pang flour-based products na galing sa China.
Sinabi ni Duque na, bukod sa gatas o dairy products mula sa China, dapat matiyak ding ligtas mula sa melamine content ang mga iba pang pagkain na mula sa China tulad ng sotanghon.
Sinabi naman ni DOH chief epidemiologist Eric Tayag na nais nilang malinawan kung anu-ano ang mga produktong kontaminado ng melamine dahil sa ngayon ay maraming pagkain na ang iniuulat na kontaminado ng naturang kemikal.
Nakumpiska naman ng Presidential Anti-Smuggling Group ang apat na container van na naglalaman ng mga smuggled flour na nagkakahalaga ng P12 milyon mula sa China na nakatakdang ipuslit sa Port of Manila.
Sinabi ni PASG chief Undersecretary Antonio Villar Jr. na hindi dumaan sa tamang pagsusuri ng China ang nasabing mga arina na posibleng may taglay na toxic chemicals tulad ng melamine. (Gemma Amargo Garcia at Rudy Andal)