Tiniyak ng grupo ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) na hindi sila magpapatupad ng hospital holiday.
Ang paniniyak ay ginawa ng grupo sa kabila ng kanilang mariing pagtutol sa panukalang batas na nakabinbin sa Senado na naglalayong gawing 32%-34% mula sa 20% ang diskuwentong tinatamasa ngayon ng mga senior citizens.
Ayon kay Rustico Jimenez, pangulo ng PHAP, sa halip na magpatupad sila ng “hospital holiday” ay ipapaliwanag na lamang nila ang kanilang posisyon hinggil sa isyu.
Iginiit rin nito na ang pagdaragdag ng isang porsyento para sa discount ng mga senior citizens ay labis na makakaapekto sa mga nagpapatakbo ng mga pribadong pagamutan dahil mahigit sa 50 porsyento kasi ng kanilang mga pasyente ay pawang mga senior citizens.
Ani Jimenez, labis na ngang naapektuhan ang kanilang kita dahil sa batas na nagbabawal na huwag pauuwiin ang mga pasyenteng hindi pa nababayaran ng buo ang kanilang hospital bill.
Kaya kung tuluyan aniyang maipapasa ang pagdaragdag sa porsyento ng diskwento ng mga senior citizens, mas lalo itong magiging mahirap para sa kanila. (Doris Franche)