Itinaas na kahapon ng Philippine National Police sa full alert status ang buong puwersa nito sa buong bansa laban sa pananalakay ng pan daigdigang teroristang grupong Jemaah Islamiyah na may ugnayan sa Al Qaeda.
Ayon kay PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., ang ‘full alert status’ ay kaniyang inutos kasunod ng madugong pambobomba noong Sabado ng mga pinaghihinalaang Al Qaeda sa Marriot hotel sa Pakistan.
Sa nasabing insidente ay 53 katao ang nasawi habang mahigit pa sa 100 ang nasugatan kabilang ang isang Pilipina.
Sinabi ni Razon na, bagaman wala namang silang natatanggap na intelligence reports hinggil sa posibleng pambobomba ng JI terrorists sa mga hotel, dayuhang Embahada kabilang ang US Embassy, pangunahing instalasyon ng gobyerno, oil depot at iba pa, mas mainam na ang nakahanda sa lahat ng oras.
Kabilang rin sa mahigpit na binabantayan ang Metro Rail Transit, Light Rail Transit Authority, daungan, paliparan, bus terminals, bisinidad ng malalaking simbahan, shopping malls, Makati City na itinuturing na pinansyal district ng bansa at iba pa.