Upang maiwasang maulit ang anumang karahasan at mabawasan ang tambak na mga kaso Manila Regional Trial Court, kinalampag ni 6th District Councilor Ernesto Rivera si Pangulong Arroyo at Manila Mayor Alfredo Lim na bigyan pansin ang pagsasa-ayos ng lumang GSIS building sa Lawton, Maynila upang maging Manila Hall of Justice at maglaan ng pondo para rito.
Ayon kay Rivera, kailangan na pagtuunan ng pansin ang kasalukuyang sitwasyon ng mga korte dahil ang mga korte na nasa gusali ng Manila City Hall at nasa Ombudsman ay pawang mga luma na at ang mga folder ng kaso ay hindi na nagkakasya.
Aniya, dapat lamang na magtulung-tulong ang mga kongresista ng Maynila upang paglaanan ng pondo ang rehabilitasyon ng GSIS tulad ng paglalaan ng pondo sa mga hall of justice ng Siniloan at Alaminos sa Laguna; Balilihan, Bohol at Midsayap, North Cotabato.
Nagsisiksikan sa ikatlo hanggang ikalimang palapag ang may 86 na korte, opisina ng mga piskal, public attorneys, sheriffs, parole and probation, register of deeds at iba pang tanggapan na may kinalaman sa paglilitis ng kaso.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit patuloy ang pagdami ng mga inmate sa Manila City Jail. Kadalasang natatabu nan ang mga dating kaso ng mga bagong sumiteng kaso hanggang sa hindi agad nadedesisyunan.
Sa ngayon ang MCJ ay mayroong 5,366 kaso na pinaghahatian ng 86 huwes. Ang bawat huwes ay may hawak na 63 criminal cases.
Ipinaliwanag ni Rivera na ang Maynila ang capital ng Pilipinas subalit walang maayos na gusali para sa mga hukom, piskal at mga public attorney bagama’t nag-isyu na ng Presidential Proclamation si Pangulong Arroyo para sa konbersiyon ng lumang GSIS building upang maging Manila Hall of Justice. (Doris Franche)