Parusang kamatayan ang kinakaharap ngayon ng siyam na Pilipino sa bansang Malaysia makaraang madakip ng pulisya dahil sa “drug smuggling.”
Sa inisyal na ulat, kasama ng mga Pilipino na nadakip ang siyam rin na Africano at isang babaeng Sri Lankan sa pinagsanib na operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Malaysian Royale Police nitong nakaraang Setyembre 12 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Hindi muna ibinunyag sa media ang mga pangalan ng siyam na Pinoy upang manmanan ang galaw ng kanilang grupo.
Nasa kostudya naman ngayon ng Malaysian Royal Police ang 9 Nigerian.
Ayon kay NBI Director Nestor Mantaring, naging tulay umano sa pagkakatiklo ng sa West Africans International Drug Syndicate ang narescueng Pinay na si alyas Chona, 18, ng Quezon na nagpakilalang nobya ng utak ng sindikato na nag-o-operate sa Malaysia, na ginamit na ‘informant’ ng awtoridad sa pagtugis laban sa sindikato. Hawak ng NBI si Chona.
Nakumpiska sa mga ito ang 1.6 kilo ng heroine at 540 gramo ng cocaine na nagkakahalaga ng RM 1.3 milyon.
Nabatid na ang mga Pinay na nire-recruit ng grupo ay ginagawang ‘courier’ o tagapagbiyahe ng droga sa bansang China, Pakistan at Malaysia.
Modus-operandi ng grupo ang paglalagay ng heroine sa ‘condom’ bago isinisiksik sa ari ng mga babaeng ‘courier.
Kapag lalaki naman aniya ang magbibiyahe ng illegal drug, sa kanilang mga puwet naman ito ipinapasok.
Samantalang ang droga na capsule form ay nilululon umano ng courier at pagdating sa target na pagdadalhang lugar ay doon ito idinudumi.
Sinabi naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Dionisio Santiago Jr. na pinakamabigat na parusa ang ipapataw base sa batas ng Malaysia sa siyam na Pinoy.
Muli ring pinaalalahanan ni Santiago ang mga OFWs na hindi tutulungan ng pamahalaan ng Pilipinas sa oras na madakip dahil sa kaso sa iligal na droga o ang pag-anib sa sindikato ng iligal na droga dahil sa matigas ang paninindigan ni Pangulong Arroyo na huwag kunsintihin ang mga magkakasala at maglalagay sa Pilipinas sa kahihiyan.
Nabatid pa na dating ginagamit ng sindikato ang mga babaeng Malaysian na magpasok ng iligal na droga sa Tsina ngunit nabuko na ito kaya mga Filipino na ang kanilang kinakasangkapan sa “drug smuggling”.