Naniniwala si House Speaker Prospero Nograles Jr. na ang kwento ng umano’y pagdukot kay NBN-ZTE deal witness Rodolfo “Jun” Lozada sa NAIA ay “political gimmick” lamang para makakuha ng suporta sa taong bayan.
Pinapurihan naman ni Nograles ang naging desisyon ng Court of Appeals (CA) na si Lozada ay hindi dinukot ng mga tauhan ng gobyerno na sumundo sa kanya sa airport tulad ng alegasyon nito at ng kanyang kapatid na si Arturo.
Iginiit ni Nograles na malinaw na napatunayan lamang ng CA sa desisyon nito na walang sapat na basehan ang mga alegasyon ni Lozada na inilahad sa media, sa Senado, gayundin kay dating Pangulong Cory Aquino, mga pari at mga madre na nagsisilbi nitong tambulan.
Tumanggi naman si Nograles na magbigay ng komento hinggil sa posibleng maging hakbang ng Senado kaugnay sa naging desisyon ng Appellate Court.
Aniya, dapat na hintayin na lamang ang magiging aksyon ng mga senador hinggil dito dahil sa sila naman umano ang nakarinig sa kwento ni Lozada.
Gayunman, sa kanyang personal na opinyon aniya ay posibleng i-correct o isama na lamang ng Senado ang desisyon ng CA sa kanilang rekomendasyon hinggil sa kontrobersya.
Samantala, sinabi ni Nograles na hindi na iimbestigahan ng Kongreso ang “double insertion issue” na ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson sa Senado dahil ito ay maituturing lamang na “oversight at human error.” (Butch Quejada)