Kasunod ng ika-isang taong anibersaryo ng kanyang pagtestigo sa Senado kahapon, iginiit ni Jose ‘Joey’ de Venecia III na sapat na umano ang mga testi monya at mga ebidensya na hawak ng Senado upang madiin sa hukuman ang mga taong sangkot sa kontrobersyal na ZTE-NBN deal.
Ayon kay de Venecia, dapat nang ilabas ng Senado sa lalong madaling panahon ang kanilang “committee report” sa isinagawang imbestigasyon sa naturang maanomalyang kontrata. Sinabi nito, hindi dapat basta na lamang kalimutan ng lahat ang naturang kontrobersya, na siya aniyang pinakamalaking anomalya na kinasangkutan ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon pa kay de Venecia, dapat matukoy ang mga taong sangkot sa naturang anomalya at maiharap ang mga ito sa hukuman.Binigyang-diin ni de Venecia na paninindigan niya ang kanyang mga ibinunyag sa Senado at ipagpapatuloy niya ang kanyang krusada sa paghanap ng katotohanan, na tungkulin aniya niya sa bawat isang mamamayang Filipino.
Mariin din namang pinabulaanan ni de Venecia ang mga ulat na may plano siyang tumakbo sa darating na 2010 national at local elections at sinabing mas karapat-dapat na ang kanyang inang si Manay Gina de Venecia ang pumalit sa kanyang ama sa puwesto, ngayong matatapos na ang termino nito bilang kongresista ng Pangasinan. (Butch Quejada)