Sinibak ng tanggapan ng Ombudsman ang dalawang opisyales ng Bureau of Customs at sinuspinde ng anim na buwan ang tatlo pa dahil sa pagkakaroon umano ng mga nakaw na yaman sa kabila ng maliit na sahod ng mga ito sa BOC.
Dinismis sa serbisyo sina Dolores Domingo, Customs operating officer 4; Chito Orbeta, messenger samantala sinuspinde ng anim na buwan sina Pier Angelie Senangote Sealtiel, Customs operations 4 at Victor Raymundo Asuncion, intelligence officer 1 pawang nakatalaga sa Port Area, Maynila makaraang ang mga ito ay bumagsak sa lifestyle check na isinagawa ng Ombudsman
Sinuspinde rin ng 3 buwan si Edward Baltazar, district collector ng BOC Port of San Juan City, La Union dahil sa kasong extortion.
Sa 18-pahinang desisyon, sinibak si Domingo mula sa serbisyo makaraang ito ay mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct, dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Taglay ni Domingo ang house and lot na may halagang P1.25 milyon at 7 mamahaling sasakyan.
Si Orbeta naman ay may P1.6 Milyon na hindi maipaliwanag na yaman at dalawang magagarang sasakyan, si Sealtel naman ay may P3 milyon halaga ng property sa Tambo, Parañaque at 5 magagarang sasakyan samantalang si Asunsion naman ay may property sa Pateros at mga sasakyan. (Angie dela Cruz/Butch Quejada)