P2 rollback ng 'Big 3' tinapatan ng P3 ng small players

Tila pababaan ng presyo ang mga gasolinahan matapos na tapatan kahapon ng small player na Unioil Philippines ng P3 rollback kada litro sa presyo ng gasolina ang ipinatupad na P2 rollback ng Petron, Shell at Chevron kaninang madaling-araw.

Ayon kay Chito Medina-Cue, general manager ng Unioil, epektibo alas-10:01 kagabi ang P3 bawas presyo nila sa gasolina habang sinabayan naman nila ang P2 rollback ng Big 3 at Seaoil sa diesel at kerosene­.

Sinabi ni Medina-Cue, general manager ng Unioil, ”fair” na umano ang P3 rollback sa gasolina, para sa 7 porsiyen­tong ibinaba ng presyo ng crude oil sa world market ngayon Setyembre.

Samantala hindi naman kumbinsido ang mga transport group sa panibagong rollback at giit pa rin ng mga ito ang isang bagsakang bawas presyo sa petrolyo.

Ayon sa militanteng grupong Piston at Pasang Masda, dapat ay P7 kada litro ang ibaba pa ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Paliwanag ng mga ito, noong buwan ng Abril na ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan ay nasa $98 ang presyo ng gasolina ay umaabot lang sa P46.96 kada litro habang ang diesel ay pumapalo lang sa P39.94 per liter.

Sa ngayon ay nasa P54.47 pa rin ang presyo ng gasolina kada litro habang ang diesel ay naglalaro sa P53.

Paliwanag naman ng mga kompanya ng langis na bumaba ang palitan ng piso kontra dolyar at mag­re-reflect­ pa umano sa buwan ng Oktubre ang paniba­gong pagbaba ng presyo ng krudo sa world market.

Sa isang panayam, sinabi naman ni Obet Martin, National President ng Pasang Masda, sobrang napa­ka­baba umano ng P2 gayong bumagsak sa halagang $95 kada bariles ang presyo nito sa world market.

Anya, walang maitutulong sa kanilang hanay ang maliit na halaga ng rollback kung pag-uusapan ay ang sobrang taas na ng bilihin at mga bayarin sa serbisyo na hindi na bumaba ang halaga mula nang bumaba ang halaga ng petroleum products sa world market.

Show comments