Dahil sa kabiguan na patahimikin at mapigilan sa pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa kanya, hinihinalang inimpluwensiyahan umano ni GSIS President at General Manager Winston Garcia ang korte upang muling buhayin ang kasong libelo laban sa No.1 kritiko nitong si Atty. Albert M. Velasco na una nang ibinasura ng Department of Justice (DOJ) noong nakaraang taon.
Si Velasco ay sinampahan sa Pasay City prosecutors ng 2 counts of libel ni Garcia at one count of libel kay Atty. Mario Molina, pawang mga founding member ng Government Employees Legal Action Center o GELAC, na nagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga government employees na nagsasampa ng mga kasong kriminal laban kay Garcia kaugnay sa kanilang mga hindi nakukuhang benepisyo sa GSIS.
Ngunit nagsampa ng motion for reconsideration si Garcia at sa hindi maliwanag na dahilan, binaligtad ng DOJ ang una nang naging desisyon nito at muling binuhay ang kasong libelo laban kina Velasco at Molina.
Kinondena naman ng grupo ang ginawang pagsampa ng kaso kina Velasco at Molina. Anila, isang desparadong hakbang ito ni Garcia upang kitilin ang kanilang karapatan na magsampa ng kaso laban dito. (Gemma Garcia)