Nais umanong bumalik bilang kinatawan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Budget Secretary Rolando Andaya, at upang hindi ‘masagasaan’ ang anak ni Pangulong Gloria Arroyo na si Rep. Datu Arroyo, paghahatian ng dalawa ng Camarines Sur.
Ito ang hinala ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III, matapos silang magkainitan ni Sen. Joker Arroyo na naghain ng panukalang batas na naglalayong dagdagan ang congressional district ng dating lalawigang kinakatawan ni Andaya sa Kongreso, pero hawak ngayon ni Datu Arroyo.
Nagkainitan sina Arroyo at Aquino mata pos ipagpilitan ng una na isama sa kalendaryo ang panukalang pagdadagdag ng distrito sa Camarines Sur.
Mula sa kasalukuyang limang distrito, balak itong dagdagan pa ng isa upang maging lima ang kinatawan sa Kongreso na hinihinalaang ilalaan naman kay Andaya.
May kahalintulad ring panukala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 4264.
Bago italagang kalihim ng DBM, si Andaya ang kinatawan ng distrito nito sa Camarines Sur na ngayon ay hawak ni Datu Arroyo.
Ikinatuwiran naman ni Aquino na mas bibigyan niya ng prayoridad ang panukalang batas na naglalayong hatiin ang Cavite dahil mas maraming nagsusulong para dagdagan ang distrito nito at masyado nang malaki ang populasyon ng lalawigan.
Isa pa sa nakikitang problema ni Aquino ang populasyon sa Camarines Sur na malabong makakuha ng 250 libong populasyon para sa karagdagang congressional district. (Malou Escudero)