Nalambat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 82-anyos na umano’y OB-Gynecologist, apo nitong babae at mga katulong sa pag-aabort, sa isang entrapment operation sa Caloocan City, sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga suspect na sina Catalina Bajande Jose, 82, na isa umanong OB-Gynecologist at Anna Jose Tolentino, na kilala umano sa lugar bilang alyas “Dr Anne”, 18, kapwa residente ng Lot 17, Block 44, Package 2, Phase 2, Bagong Silang, Caloocan City; Merlinda Guiyab Paralisan alyas “Aling Nene”; Perfecta Hopia Mahinay; Violeta Santos Marco at Benjie Cantuba, mga residente umano ng Caloocan, Quezon City at Valenzuela City.
Nabatid na dumulog sa NBI ang isang Armando Magnaye, 57, ng 4th Avenue Grace Park, Caloocan City upang ireklamo ang muling operasyon ng klinika ng mag-lolang abortionist na naging sanhi umano ng pagkamatay ng kanyang 24-anyos na anak na si Aisa Magnaye, noong Agosto 15, 2008.
Naisugod umano ang kanyang anak sa Bernardo Grace Hospital sa Caloocan City at doon na binawian ng buhay dahil sa hindi marapat na pagdurugo matapos isailalim ng mag-lola sa abortion, ayon sa reklamo.
Isinagawa ang entrapment kung saan isang lady informant ang nagkunwaring magpapalaglag.
Nadiskubre din ng NBI na maliban sa syringe na gamit ng mag-lola, may cuticle remover liquid na ginagamit umanong panglaglag.
Ang mga ito ay nasamsam kabilang ang dalawang bangkay ng fetus na nakasilid sa isang pouch bag.
Isinampa na ang kasong Intentional Abortion, Reckless Imprudence resulting to homicide at Serious Physical Injuries laban sa mga suspect habang ang dalawang babaeng naudlot ang pagpapa-abort ay nakasuhan din sa tangkang pagpapa-abort. (Ludy Bermudo)