Karagdagang benepisyo sa pamamagitan ng insurance para sa mga barangay chairmen ang inihain ni Sen. Edgardo Angara sa Senado.
Ayon kay Sen. Angara, ang barangay captain ang punong ehekutibo ng pinakamaliit na sangay ng pamahalaan, at ito ang nagpapatupad ng mga proyekto mula sa national government kaya’t marapat lamang na kilalanin ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng pagbigay ng insurance.
Sa kanyang Expanded Barangay Captain’s Insurance Act of 2007, magkakaroon ng death claim benefits ang barangay captain na nagkakahalaga ng P250,000 kapag ito ay namatay sa pamamagitan ng aksidente o asasinasyon habang nagsasagawa ng kanyang trabaho at tulong palibing naman o burial assistance na hindi lalampas ng P50,000.
Isasauli din ang halagang hindi lalampas sa P100,000 sakaling masugatan, sa asasinasyon o aksidente habang nagsasagawa ng kanilang gawain.
Hind maibibigay ang ganitong benepisyo sakaling ang pagkamatay, o pag kasugat ay nangyari na may gross negligence o pagpapabaya ng barangay captain; intensyon na patayin ang sarili, lasing at pag-abandona sa opisina isang buwan bago maganap ang insidente. (Rudy Andal)