Sa gitna ng nangyayaring bakbakan sa Mindanao, kung saan marami na ang mga nasasawi at nasusugatang sundalo at mamamayan, naungkat kahapon sa Senado ang isyu ng P8 milyong expired o malapit nang ma-expired na itinatago sa iba’t ibang ospital ng gobyerno at maaring magamit sa Mindanao.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, sa halip na maak saya ang milyon-milyong halaga ng gamot sa mga ospital ng gobyerno, lalo na yong mga hindi pa naman expired, maaari itong ipadala sa Mindanao upang magamit ng mga sugatan.
Inihain naman ni Sen. Miriam Defensor Santiago ang Senate Resolution 547 upang paimbestigahan ang ulat ng Commission on Audit (COA) na umaabot sa P8 milyon ang itinatagong gamot ng iba’t ibang ospital ng gobyerno na expired na at yong iba ay malapit ng ma-expired.
Idinagdag ni Gordon na sa US Navy, ginagawa rin ang pamimigay ng mga gamot na malapit nang mag-expired dahil may dalawang buwan pa naman na maaari itong magamit matapos ang expiration date.
Layunin ng panukala ni Santiago na imbestigahan ng Senado ang ulat na milyon-milyong halaga ng surplus at expired na gamot ang itinatago ng ilang ospital ng gobyerno upang makalikha ng batas para maiwasan itong mangyari ulit.
Sinisi rin ng COA sa kanilang report ang kawalan ng Department of Health ng plano sa pagbili ng mga gamot na nagresulta sa “overstocking” at pagka-expired sa walong state-owned hospital. (Malou Escudero)