NP nagbigay ng tig-P.1M puhunan sa 16 natatanging mangangalakal

Upang mahikayat pa ang nagsisimulang mag­ negosyo mula sa maliit na puhunan, inilunsad ng Na­cionalista Party ang palig­sahang “Pondo sa Sipag, Pu­hunan sa Tiya­ga” at nag­kaloob ito ng kabuuang P1.6 milyon sa mga nag­wagi.

Sa dinner celebration sa makasaysayang Laurel Mansion sa Mandaluyong City, pinapurihan ni Senate President at NP President Manny Villar ang 16 na mga bagong usbong na entrepreneur na hini­rang mula sa libo-libong sumali sa paligsahan. Bawat isa ay binigyan ng P100,000 na gagamiting puhunan.

“Ibinigay natin ang pag­ kilala sa ating mga manga­ngalakal na nag­hayag ng diwa ng sipag at tiyaga ng mga Filipino sa gitna ng mga pagsubok,” ani Villar na siyang naka­isip ng proyekto.

Ang NP at ang Sipag at Tiyaga Foundation ay nagsanib-pwersa upang matupad ang mithiin na isulong ang pagnene­gosyo sa pamamagitan ng “Pon­do sa Sipag, Puhu­nan sa Tiyaga.”                    

Ang mga nagwagi ay sina: Sarah Dabucon at Margarita Allado mula sa Region 1; Albino Francisco, Calma Arcala, Al­bert Dul­nuan, Elizabeth Africano at Solomon Maylem buhat sa Region 2; Pacifico dela Cruz ng Region 3 at An­tonia Villa­nueva ng Region 4; Ma­rianne Olano ng Region 5; Roland Madera ng Region 6; Lucresia Saga ng Region 7; Elizabeth Rafal ng Region 12; Ernesto Pagli­nawan buhat sa CARAGA Region; at Marie Saclag at Regina Madio mula CAR.

Sa pagdiriwang ng ika-100 taon ng NP na gina­nap sa Philippine International Convention Center noong Nobyembre ng nakaraang taon, inilunsad ng NP ang pambansang pa­ligsahan para sa pina­kamahuhusay at pinaka­malikhain na entrepreneur.

Ang produkto ng mga nagwaging entrepreneur ay inihanay sa exhibit sa Market! Market! Shopping Com­plex sa Taguig City na binisita ni Villar.

“Hindi lang pagkilala sa kakayanan ng bagong us­bong na negosyante ang ating layunin, gusto rin natin silang hikayatin na ipag­patuloy ang pag­nenegosyo kaya binigyan natin sila ng dagdag na kapital tulad ng Pondo,” diin ni Villar. (Butch Quejada)

Show comments