Epektibo ngayong araw, matatanggap na ng 120,000 mga opisyal at tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangako ni Pangulong Arroyo na 10% o P 2,000 dagdag na suweldo.
Ito ang inihayag kahapon ni AFP-Public Information Office Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr. na isang malaking tulong sa pamilya ng mga sundalo partikular na ngayong panahon ng krisis.
Nabatid na ang isang pangkaraniwang sundalo na may ranggong Private ay tumatanggap ng suweldong P10,000 basic pay na aabot sa P14,000 kabilang na ang allowances.
Samantala ang Chief of Staff ay tumatanggap ng P46,000 bukod pa sa allowances na tinatayang aabot sa P50,000 pataas.
Sa record ng AFP, ang isang Kapitan ay sumusuweldo ng P27,800; Major P30,000, Lt. Colonel P34,400 at Colonel P36,300.
Bukod pa dito ang hazard pay na sa Air Force ay 50% sa flying fee; P240 kada buwan sa combat pay ng Army na kahalintulad rin sa tinatanggap ng Marines habang 25% naman sa sea duty fee sa kabuuang base pay ng Navy.
Maging ang mga detainees o ang mga opisyal na nililitis sa coup plot tulad ng 28 officers na pinangungunahan ni dating Marine Commandant Major Gen. Renato Miranda hanggat hindi napapatunayang guilty sa kasong kinakaharap ng mga ito ay makikinabang rin sa nasabing dagdag suweldo.
Gayunman, nilinaw ni Torres na hindi kabilang ang combat pay sa kaso nina Miranda dahil nakakulong ang mga ito kaugnay ng bigong Pebrero 2006 coup d’ etat. (Joy Cantos)