1 pang kidnaper nina Ces timbog!

Isa pang miyembro ng mga bandidong Abu Say­ yaf Group (ASG) na kabi­lang sa kidnapper ng grupo ni ABS-CBN news reporter Ces Drilon ang nasakote ng mga elemento ng Philippine Marines sa follow-up operations sa  Maimbung, Sulu.

Kinilala ni Navy spokesman Lt. Col. Edgard Are­valo ang nasakoteng sus­pek  na si Munhamer Sat­tari alyas Brain Damage.

Nabitag si Sattari apat na araw matapos maaresto ang dalawa pang kasama na sina Nadzmer Amirul alyas Abu Kudama, 18 at Almader Maadi, 14, sa check­point sa Brgy. Tim­pook, Patikul, Sulu. 

Sa naantalang report, sinabi ni Arevalo na si Sattari ay nahuli ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 4 na pinamu­munuan ni Lt. Col. Ariel Caculitan bandang 6:35 ng hapon nitong Hulyo 22 sa tahanan nito sa Brgy. Kandang, Maimbung, Sulu.

Ayon kay Arevalo, si Sattari ay aktibong kasapi ng ASG sa ilalim ng pa­mumuno ni Mujiv Susukan. Inaresto ito sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Bensaudi Arabani kaugnay ng 4 counts ng kasong murder. (Joy Cantos)

Show comments