Hindi mangingimi ang Philippine National Police (PNP) na patawan ng kaukulang kaparusahan ang sinumang pulis na mahuhuling nag-iinom at nagbababad sa mga beer house at iba pang establisimyento sa buong bansa.
“ Bawal po yang mag-inom, hindi natin pinapayagan yan lalo na dalhin nila ang baril nila sa mga entertainment establishment,” pahayag ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr.
Sinabi ni Razon na walang puwang sa serbisyo ang mga pulis na lasenggo na dahilan sa impluwensya ng alak ay nakakalimot na sa sinumpaan ng mga itong tungkulin at nasasangkot pa sa mga panggugulo.
Ginawa ni Razon ang pahayag sa gitna na rin ng pagkakahuli ng mga elemento ng Quezon City Police District sa isang bagitong pulis na nanutok ng baril habang nag-iinom sa lungsod kamakalawa ng gabi.
Ang nasabing pulis na kinilalang si PO1 Clifford Basig, miyembro ng CALABARZON Police ay nakumpiskahan rin ng 9mm caliber pistol ay nahaharap ngayon sa kasong kriminal na tiniyak ni Razon na papatawan ng ‘disciplinary action.’
Sa kabila ng ilang mga insidente ng katiwalian na kinasangkutan ng mga pulis, iginiit ni Razon na nakakalamang pa rin ang mga pulis na buong giting na ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pagseserbisyo sa mamamayan. (Joy Cantos)