Nagpahayag ng suporta ang ibat ibang transport groups sa pinalakas na programa para sa kapakanan ng mga drivers sa buong bansa.
Sa public hearing na isinagawa ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City, ipinakilala ang Drivers License Enhancement Program (DLEP) na magbibigay ng kaukulang proteksiyon sa mga drivers license holder at maging ang sakay ng sasakyan na masasangkot sa aksidente sa mga lansangan.
Sinabi ni Ma. Eden del Rosario, head ng DLEP, makakatanggap ang isang driver ng P100,000 claims sa insurance na may premium na P30 lamang sa isang taon. 72 hours ay makukuha na ang claims ng sinumang nasangkot sa aksidente sa sistemang “No risk, no fault.”
Sa naturang public hearing, sinabi nina Pasang Masda President Obet Martin, Altodap President Boy Vargas at ACTO President Efren de Luna na pabor sila sa naturang programa dahil sa maliit na halaga lamang ay maseseguro na may mapapagkunan ang bawat driver sakaling masangkot sa aksidente. (Angie dela Cruz)