Pumalag ang kontrobersiyal na si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Zenaida Ducut laban sa mga birada sa kanyang kakayahan na pamunuan ang ahensiya kasabay ng pagsagot sa paratang na wala siyang kaugnayan sa mga power generating companies na hinihinalang mga cronies ng Malacañang.
“Nais kong malaman ng lahat na hindi ko kamag-anak ang mga naturang tao. Kaapelyido ko lamang po sila at wala akong kaugnayan sa kanila,” paglilinaw ni Chair Ducut patungkol sa Transpacific Consolidated Resources, Inc. (TCRI) na umano’y pag-aari nina Leslie at Ressie Ducut.
Sa maikling panayam, sinabi ni Ducut na mahigit 10 taon ang karanasan niya bilang abogado at nagsilbi sa Kongreso ng 3 termino.
Nakasaad sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na dapat abogado ang chairman ng ERC.
Ang ERC ay isang quasi-judicial body na itinalaga ng batas upang pangalagaan ang interes at kapakanan ng mga kumukonsumo ng kuryente at bantayan ang mga power providers upang siguruhin na walang mang-aabuso sa mga konsyumers.
“Makakaasa po ang lahat na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang maitaguyod ang isang maliwanag na bukas para sa stakeholders ng electric power industry,” pagtitiyak niya. (Butch Quejada)