Posibleng magtaas ng matrikula ang mga catholic schools sa bansa sakaling buwisan ang simbahan at iba pang religious institutions.
Ito ang naging babala kahapon ni Sister Tess Bayona, director-in-charge ng Catholic Educational Association of the Philippines bilang reaksyon sa panukala ni Senador Panfilo Lacson na repasuhin ang tax exemption ng simbahan.
Sa isang panayam ng church-run Radio Veritas, sinabi ni Bayona na posibleng mapilitan silang magtaas ng singil sa matirkula kung hindi na sila libre sa buwis dahil wala naman silang ibang mapagkukunan ng pondo.
Ipinaliwanag din nito na maaari kasing lalong kapusin ng pondo ang maliliit na paaralan ng simbahan dahil mahihirapan na ang malalaking catholic schools na magkaloob ng financial assistance sa mga ito.
Posible rin aniyang ang pagbubuwis sa simbahan ay simula na rin nang unti-unting pagbagsak ng Catholic Education sa bansa.
Iginiit din niya na non-profit naman ang mga religious institutions at wala silang pagkukunan ng pondo sakaling sila ay buwisan. (Mer Layson)