Ibinasura na ng Office of the Ombudsman ang pitong kasong isinampa laban kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at walang preventive suspension order na ipinalabas laban dito taliwas sa akusasyon ng isang radio broadcaster.
Sinabi ni Echiverri na ang suspension order ay ipinalalabas lamang sa mga kasong administratibo at lahat ng isinampang katulad na kaso kay Echiverri noong kanyang unang termino ay napawalang saysay na habang ang iba pa ay dinismis na ng Ombudsman.
Kaugnay nito, pinasinungalingan ng alkalde ang alegasyon at bansag sa kanya ng radio dzMM broadcaster Anthony Taberna na ekstorsyonista dahil sa umano ay paghingi ng 50% sa hinihinging bayad ng mga kontraktor na RapRap Trucking Services at Atlantic Erectors sa pinasok na kasunduan sa dating alkalde Reynaldo Malonzo sa pamamagitan ng isang Jerry Pelayo. Hindi binayaran ng administrasyon ni Malonzo ang nasabing mga kontrata.
Sinabi ni Echiverri na hindi niya maintindihan kung bakit patuloy siyang inaatake ni Taberna sa kolum nito at programa sa radio.
“I honestly can see no reason why a supposedly “crusading” reporter would take on lies for a cause where facts of truth can easily be ascertained. Is it true that Taberna is a godson of one of the mayoral candidates I defeated in the last elections?” pahayag ng alkalde.
Sinabi ni Echiverri na hindi kinuha ni Taberna ang panig ng mga nasasangkot na opisyal samantalang paulit-ulit niyang ini-interview at kino-quote si Candaba, Pampanga Mayor Jerry Pelayo ukol sa isyu.