Irerekomenda ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Department of Justice (DOJ) na isama sa kasong kidnapping for ransom si Jumail Biyaw alyas Maming Biyaw kaugnay ng pagdu kot ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa ABS-CBN news team noong Hunyo 8 sa Sulu.
Si Maming ang umano’y nagtraydor na guide ng grupo ni ABS- CBN reporter Ces Drilon bago ang mga ito napasakamay ng Abu Sayyaf. Ang pagdadawit kay Maming sa kidnapping for ransom case ay napagkasunduan ng mga imbestigador ng CIDG sa pagpapatuloy ng isinagawang case conference kahapon sa Camp Crame.
Bagaman sinabi ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., na hindi suspect kundi testigo si Biyaw ay nadamay ito sa kaso base sa isinumiteng testimonya nina Drilon.
Ayon kay P/Senior Supt. Joel Napoleon Coronel, Chief Investigator ng PNP-CIDG sa kaso, pinagbasehan ng kaso ang mga isinumiteng pahayag nina Drilon at Prof. Octavio Dinampo kung saan idiniin ng mga ito na dapat na makasuhan si Maming.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Coronel na nakasalalay na sa magiging desisyon ng DOJ kung papasa para gawin pa ring testigo si Biyaw laban sa sinasabing mastermind na sina Indanan Sulu Mayor Alvarez Isnaji at anak nitong si Haider.
Patuloy namang pinag-aaralan ng mga imbestigador kung isasama na rin sa kaso si Dinampo dahil sa ginawa nitong pagliliinis sa mag-amang Isnaji sa pangatlong sworn affidavit na isinumite nito sa DOJ. (Joy Cantos)