Sasanayin sa pagsasagawa ng DNA testing ang mga pulis na nakatalaga sa Central Visayas upang makatulong sa pagkilala sa mga narekober na labi ng lumubog na MV Princess of the Stars na patuloy ang pagdagsa sa Cebu.
Kahapon ay 20 naaagnas na mga bangkay ang dumating sa Cebu City na pinaniniwalaang pasahero ng lumubog na barko ng Sulpicio Lines.
Ang Sulpicio Lines ay nakabase sa Cebu City kaya dito isinasagawa ng mga eksperto ang pagsusuri at proseso sa pagkilala sa mga bangkay.
Ang mga lokal na pulis sa lalawigan ay sasanayin ng mga eksperto mula sa International Police Organization (Interpol). Kapapalooban ito ng tamang pagkuha ng ‘ante mortem samples’ mula sa nakuhang bangkay.
Samantala, itinigil na ang public viewing sa mga bangkay na dinala sa Cebu City para masimulan na ang DNA sampling na tanging pag-asa raw para makilala ang mga labi.
Nasa advanced state of decomposition na kasi ang mga ito na naka-seal na at isinilid sa mga kabaong.
Ayon sa mga forensics expert, hindi na sila makikilala base sa hitsura at tanging DNA testing na lang ang pag-asa. (Joy Cantos)