LUBBOCK, Texas - Gaya ng viagra na sinasabing gamot sa erectile dysfunction o hindi na “tinatayuan”, nadiskubre ng ilang scientists na ang pakwan ay pampainit din sa sex.
Pero di tulad ng viagra, hindi pang-magdamagan ang bisa ng pakwan.
Ayon sa ilang scientists sa Texas sa United States, ang pakwan ay nagtataglay ng sangkap na tinatawag na citrulline na nakakapagpalikha ng isang compound na pamparelaks sa ugat na dinadaluyan ng dugo sa katawan o blood vessel. Ganito rin anila ang nangyayari sa katawan ng isang lalake na umiinom ng viagra.
Sinasabi ng mga researcher na nakikita rin sa balat at laman ng pakwan ang citrulline.
Kapag maraming citrulline ang dumaloy sa katawan ng isang tao, nagiging isa itong arginine, isang klase ng amino acid na maganda sa puso, sirkulasyon ng dugo at immune system.
“Pinagagana ng Arginine ang nitric oxide na siyang nagpaparelaks sa blood vessels. Tulad ng epekto ng Viagra na lumulunas sa erectile dys funtion,” sabi ni Bhimu Patil, isang researcher at director ng Fruit and Vegetable Improvement Center ng Texas A&M. Binanggit niya na maaaring hindi maging katulad ng pagiging organ-specific ng viagra ang pakwan pero isa itong magaling na paraan sa pagpapaluwag sa blood vessels nang walang side effect ng isang gamot.
Isang mag-aaral ng watermelon breeding sa North Carolina State University ang nagbabala naman na sino mang lalakeng umiinom ng viagra ay hindi dapat umasa na gaganahan din sila sa sex kapag kumain sila ng pakwan.
Inamin niya na nakakapukaw ng interes ang epekto ng pakwan pero hindi ito dapat ituring na isang gamot.
Ayon naman kay Penelope Perkins-Veazie, isang USDA researcher sa Lane, Oklahoma, anim na tasa ng laman ng pakwan ang kailangan para makakuha ng sapat na citruline at makapagpataas ng arginine level ng katawan. (AP)