Tutol si ABS-CBN reporter Ces Drilon na gawing testigo ang kanilang driver-guide na si Jumail Biyaw alyas Maming kaugnay ng kasong 4 counts of kidnapping for ransom laban sa mag-amang sina Indanan, Sulu Mayor Alvarez Isnaji at anak nitong si Haider.
Ayon kay Drilon, mas nais niyang isama sa charge sheet si Biyaw makaraan silang iwan sa kamay ng mga bandidong sumundo sa kanila sa Sulu.
Si Biyaw ang pinaghihinalaan ng ABS- CBN news team na nagtraydor sa kanilang grupo matapos silang dukutin ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu noong Hunyo 8.
Una rito, inihayag ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., na gagawing witness sa halip na suspect si Biyaw laban sa mag-amang Isnaji.
Nitong Lunes ay nagsumite ng supplemental complaint ang grupo ni Drilon laban sa mag-ama na piniling negosyador ng mga kidnapper na Abu Sayyaf.
Kasabay nito ang paghahain ni Biyaw ng kanyang sworn statement kung saan itinuro nito ang mag-ama bilang utak ng kidnapping.
Nasa pangangalaga na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group si Biyaw.
Nabatid na si Biyaw, dating commander ng Moro National Liberation Front, ang nagsilbing driver-guide ng grupo ni Drilon nang magtungo ang mga ito sa Sulu para intebyuhin si Sayyaf leader Radulan Sahiron alyas Kumander Putol. (Joy Cantos)