Ipinatigil kahapon ng Task Force M/V Princess of the Stars ang retrieval operations sa mga bangkay sa loob ng barko matapos madiskubre ang 10,000 kilo ng nakalalasong pesticides na kabilang sa kargamento ng lumubog na barko ng Sulpicio Lines.
Kinumpirma ni Health Sec. Francisco Duque III na miyembro ng inter-agency task force, ang pagkakaroon ng Endosulfan na pag-aari ng Del Monte Philippines sa naturang passenger ship na nakalagay sa 40-foot container van.
Ang Endosulfan che micals ay isa umanong super-toxic pesticide na ginagamit na pamatay sa insekto sa taniman ng pinya.
Ang maaari lamang umangkat nito ay ang Del Monte Philippines at DOLE, subalit bawal isakay sa passenger vessel gaya ng MV Princess.
Nadiskubre ang pesticides matapos lumiham ang Del Monte Philippines sa Fertilizers and Pesticide Authority hinggil sa posibleng implikasyon ng pagkakalubog ng Endosulfan sa tubig.
Agad namang ipinarating ng Fertilizers and Pesticide Authority sa DOH ang insidente. Nabatid na wala umanong clearance ang Sulpicio Lines mula sa Fertilizers and Pesticide Authority nang ikarga ang ipinagbabawal na kargamento. Idedeliver sana sa Cebu ang nasabing kemikal.
Samantala, pagpapaliwanagin ng Senado ang Sulpicio Lines dahil sa kargang 10 tonelada ng delikado at restricted na pesticide.
Ayon kay Sen. Mar Roxas, maliwanag na inilagay ng mga may-ari ng Sulpicio Lines sa panganib ang buhay ng mga pasahero nito, kahit nagkataong hindi lumubog ang barko.
Ayon kay Roxas, walang karapatang magnegosyo sa Pilipinas ang mga iresponsableng tao at kumpanya.
Iimbestigahan naman ng Kamara ang multi-milyong halaga ng Global Maritime Distress Safety System (GMPSS) na binili ng gobyerno para bantayan o mamonitor ang biyahe ng mga barko sa karagatan ng Pilipinas, ngunit hindi napakinabangan.
Ang nasabing hi-tech equipment ay nabili sa rekomendasyon ng DOTC noong panahon ni dating Pangulong Ramos.