Dahil sa pagpapanik ng taumbayan matapos mapaulat na aabot sa halagang P65.00 kada-litro ang presyo ng produktong petrolyo, sinermunan at pinagbawalan na ni Department of Energy (DOE) Secretary Angelo Reyes ang mga oil companies na ihayag sa publiko ang kanilang mga under recoveries o mga dapat pang i-adjust sa presyo ng kanilang produkto upang hindi na maglikha pa ng pagkaalarma sa publiko.
Ang hakbang ni Reyes ay kasunod na rin ng naging pahayag ng mga oil companies na aabutin ng P65 kada-litro ang presyo ng langis sa lokal na pamilihan kasunod ng paglobo ng presyo nito sa world market at nasa P11 pa ang dapat na ipataw sa presyo ng kanilang produkto.
Sa meeting sa pagitan ni Reyes at ng mga kinatawan ng oil companies sa tanggapan nito sa Taguig City, sinabi ng kalihim na hindi maganda na ihayag agad sa publiko ang hindi pa nai-aadjust sa presyo dahil takot at pangamba lamang ang idudulot nito. Ang dapat lamang umano na sabihin ay kung magkano ang adjustment na kanila nang ipatutupad na may permiso ng ahensya. Tanging mga adjustment na may go signal na umano sa DOE ang dapat na ihayag sa publiko habang ang mga ispekulasyon sa dagdag na presyo pa ay bawal nang ihayag.
Kaugnay nito, hindi rin nakaligtas kay Reyes si Liquified Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) president Arnel Ty na harapan nitong sinermunan dahil sa sa mali-maling impormasyon na inilahad umano nito sa publiko.
Tinukoy ni Reyes ang pahayag ni Ty sa telebisyon kamakailan na P3.50 kada-kilogram ang itataas sa presyo ng kanilang LPG, habang P3 lamang umano ang ibinigay ng DOE.
Binantaan pa ng kalihim ang LPGMA na kung hindi ito magiging responsable sa bawat impormasyon na kanilang binibitawan sa publiko ay ipasasara nito ang kanilang operasyon.
Hindi naman nakasagot si Ty sa paninita ni Reyes at matapos ang meeting ay lulugo-lugo itong lumabas dahil umano sa lubusan itong napahiya sa ginawang harapan at hayagang pag sita ng kalihim sa kanya. (Rose Tamayo-Tesoro)