Isang sanggol ang aksidenteng naputol ang ulo habang isinisilang ng kanyang ina sa isang ospital sa Bacolod City, Negros Occidental.
Labis ang pagdadalamhati ng ginang at buong pamilya nito na anila’y bunga umano ng kapabayaan ng mga medical personnel ng Western Visayas Regional Hospital.
Kinilala ang nagrereklamong ginang na si Analiza Mision, 23, residente ng Brgy. Busay, Bago City.
Sa pahayag ni Aling Lydia, lola ng sanggol, isinugod kamakalawa sa naturang ospital ang kaniyang anak na si Analiza dahil manganganak na ito.
Gayunman, hirap na hirap umano ang kaniyang anak sa pagle-labor dahil nakabaligtad ang ulo ng sanggol o ‘suhe’.
Sa kabila ng naturang kondisyon ay pinilit pa rin umano ng mga medical personnel na paanakin ng normal ang kaniyang anak kung saan ay hinila ang sanggol na ang naputol na ulo ay naiwan sa loob ng tiyan ng ina.
Bunga nito, agad na isinailalim sa ceasarian operation ang ginang upang makuha ang napugot na ulo ng sanggol upang isalba ang buhay ng ina nito.
Isinalaysay pa ni Lola Lydia na nakita pa niyang gumagalaw ang paa ng kaniyang apo kahit na nakabaligtad ito na indikasyon umanong buhay ang sanggol at dapat sanang naipanganak ng maayos kung nagdesisyon kaagad ang mga medical personnel na i-caesarian na lamang ang ginang sa halip na paanakin ito ng normal.
Sa kasalukuyan ay hindi pa nakakalabas sa pagamutan si Analiza at sa kabila ng nangyari sa kanila ay sinisingil pa umano sila ng malaking bill ng naturang pagamutan dahil sa umano’y ceasarian operation.
Napag-alaman na lalaki sana ang sanggol at dapat ay panganay na anak ng ginang kung nabuhay lamang ito.
Ikinatwiran naman ng mga hospital staff na patay na umano ang sanggol sa loob ng sinapupunan ng ginang na posibleng dahilan ng pagkapugot ng ulo nito na ayaw namang tanggapin ng pamilya ng biktima.
Binabalak ng pamilya ng ginang na sampahan ng kaukulang kaso ang nasabing pagamutan bunga umano ng kapalpakan ng mga tauhan nito.