Nakatakdang iapela ng Department of Foreign Affairs ang kaso ng isang Pilipina na ginahasa umano noong Pebrero ng taong ito ng isang sundalong Amerikano sa Okinawa, Japan.
Ito ang inihayag kahapon ni DFA Undersecretary Esteban Conejos Jr. kasunod ng pagdismis ng isang Japanese court sa kaso laban sa sundalo.
Ayon kay Conejos, lahat ng paraan ay ginagawa ng mga opisyal ng pamahalaan upang buksang muli ang kaso.
Nabatid sa opisyal na may 15 araw naman para iapela ang desisyon ng korte.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodya ng Archbishop ng Naha at Philippine Consul General sa Okinawa ang biktima.
Aapela rin ang gobyero sa United States military upang pasimulan ang Court Martial laban sa akusadong sundalo na positibong kinilala ng biktima sa isang police lineup doon. (Joy Cantos)