Upang huwag malagay sa peligro, pinayuhan ng mga opisyal ng pamahalaan ang may 25,000 Overseas Filipino Workers sa Lebanon na manatili muna sa kanilang mga tahanan kaugnay ng kaguluhan sa bansang Lebanon.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Department of Foreign Affairs, ang naturang babala ay ipinalabas nina Consul Joseph Assad, Honorary Consul ng Lebanon to the Philippines at Abdul Kader Al Jadid, Pangulo ng Filipino-Lebanese Friendship Association matapos i-assess ng mga ito ang kaguluhan sa Beirut, ang kapitolyo ng Lebanon.
Ayon sa mga opisyal mas makabubuting lumayo sa mga kalsada ang mga OFWs at sumunod sa kanilang mga amo para sa kanilang kaligtasan. Pinapayuhan ang mga ito na isagawa ang kaukulang pag-iingat upang makaiwas sa panganib.
Magugunita na sumiklab ang kaguluhan sa Beirut matapos na puwersahang kunin ng mga Hezbollah forces ang kontrol sa West Beirut mula sa mga Sunni na tapat sa US-backed government. (Joy Cantos)