Umaabot sa 70% ng kabuuang himpilan ng pulisya sa buong bansa ang iskwater o walang sariling lupa na pinagtitirikan ng kanilang mga tanggapan.
Ito ang inamin ni Sr. Supt. Cristino Campanilla, director ng PNP Engineering Service.
Sinabi ni Campanilla na sa kabuuang 1,006 Municipal Police Stations sa buong bansa ay 70 % ang mga himpilan ng pulisya na walang pinanghahawakang titulo ng lupa o masakit mang sabihin ay mga iskwater.
Ayon kay Campanilla, kaagad nilang isinasaayos ang pagpapatitulo ng lupa sa mga himpilan ng pulisya kapag may mga nagdo-donasyon tulad ng mga lokal na opisyal at maging ng mga pribadong indibidwal.
“Basta with the deed of donations we can construct yung police station. And then ang normally arrangement ng PNP diyan with the local governments is 50 percent of the construction cost will be shouldered by the PNP and then may counterpart fund ang local governments,” ayon sa opisyal.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na sa ilalim ng General Approriations Act (GAA) ay target nilang magtayo ng 30 himpilan ng pulisya para matugunan ang nasabing problema.
Nabatid na naglaan ang Kongreso ng P100 milyon para sa konstruksyon ng mga himpilan ng pulisya.
Sa kabila naman ng pagiging iskuwater ng maraming mga himpilan ng pulisya, iginiit ng liderato ng PNP na maayos pa rin nilang natutugunan ang problema sa pagsugpo sa kriminalidad. (Joy Cantos)